Kahapon tinanong mo ako kung ano ang gusto kong mangyari. Yun na yata ang isa sa pinakamahirap na tanong na naitanong sa akin sa buong buhay ko – higit pa sa trigo, higit pa sa physics. Habang nagdudugo ang ilong ko sa paghanap ng sagot, kasabay nun ang pagdudugo ng utak ko. Kahit na korni, pati na rin siguro ng puso ko. Sinabi ko sayo na kung kaya mong baguhin ang ugali na pinagtalunan natin umpisa’t umpisa pa lang, nandito lang ako at maghihintay na maisip mo iyon.
Walang paglagyan ang sistema ko nung sabihin mo na hindi mo iyon kayang baguhin para sa akin. Pero walang tigil mo pa ring sinasabi na mahal mo ako, at ako na talaga ang gusto mo. Pinilit mong sabihin sa akin iyon sa pinakamagandang paraan, kasabay ng mga pekeng ‘hahaha’. Pinilit ko ding sumagot sa pinakamaayos na paraan, sa paraan na maiintindihan mo, sa paraan na mararamdaman mo na mahal pa rin kita at handa akong bigyan ka ng pagkakataon – pero tinanggihan mo ang pagkakataon na inalok ko dahil ang sabi mo nga, hindi mo kayang baguhin ang sarili mo para sa akin. Hindi ko alam kung maniniwala ako nung sinabi mo sa akin na mahal mo ako – naisip ko kasi, kung totoo iyon, hindi ba gagawin mo ang lahat para mapasaya ako?
Hindi ko pwedeng itanggi na nagagalit ako. Nagagalit ako sa sarili ko, sa pagiging hindi ganoon kamapagtiis – kahit na ilang taon ko din pinilit unawain ang lahat. Kulang iyon, alam ko na kulang. Sa likod ng isip ko, alam kong kung ginusto ko ay kaya ko pang habaan ang pasensya ko. Pero natatakot ako na mahuli ang lahat at mapalitan ang pagmamahal ko ng kung anumang ibang emosyon, hindi magandang emosyon at sumabog ako isang araw na maaaring makasugat sayo ng husto. Sana kako, hangga’t maaga pa, pilitin nang itama ang mali at baguhin ang pangit - yun nga lang, ayaw mo.
Nagagalit ako dahil sa kabila ng lahat ng sinabi mo ay ikaw pa rin ang nakikita ko kahit saan ako lumingon. Nagagalit ako dahil araw araw ay binabalikan ko lahat ng ipinangako mo na inasahan ko, na maituturing kong isa na naman sa isa’t kalahating kagagahan.
Kahapon, nakita ko na binura mo na ang friendster account mo. Nung makita ko iyon, inipon ko ang lahat ng lakas na natitira sa akin at isa-isang pinilit burahin ang mga ala-ala mo - mga picture na naipon natin sa hinaba haba ng pagsasama. Akala ko ay ganun lang kadaling i click ang delete, pero hindi ko kaya. Nauwi pa din ako sa pag se save ng mga litrato, isa-isa, habang umiiyak. Naisave ko at saka ko binura. Nakakainis. Nakakainis talaga dahil hindi ko matulungan ang sarili ko. Nakakainis ka.
Sabi mo sa akin, na i uninstall mo ang YM at binura ang friendster dahil ayaw mo na akong makausap pero nauwi ka pa din sa pag iinstall ulit ng YM. Natuwa ako, pero wala akong masabi. Wala na akong masabi, wala na akong maisip at wala na akong maramdaman. Siguro nga ay tapos na – binigyan mo na ako ng ultimatum kagabi na hindi na talaga mangyayari na pipilitin mong isaayos ang anumang gusot. Ang sakit, pero hayaan mo na siguro. Siguro nga, matatagalan pa bago ako makahanap ng taong mamahalin ako ng kung paano ko sya minahal – meh, hayaan mo na. Kaya ko ito mag-isa.
Hindi ko alam kung tama bang sabihin ko sa’yo na nandito pa rin ako at maghihintay pero sasabihin ko pa rin. Sana maisip mo, sana mauntog ka na. Kung hindi man, malas lang talaga ako siguro.

sabihin mo na ang gusto mo