Punong sumasayaw, dahong berde, kisame, at di tapos na tula

Sa pagtatalo ng panahon, magsasayaw ang mga puno, mag-uumapaw ang paglaglag ng mga berdeng dahon sa lupa habang ako—ay muling babalik sa dati at mag-iisip ng bagong pamagat para sa aking bagong tula.Ngunit maingay ang hampas ng hangin sa mga puno parang nagpapansin, nang-uuyam. Tapos ay muli akong lalabas at pagmamasdan ang walang tigil na pagsayaw ng mga puno at paglaglag ng mga dahon sa lupa. May bagyo ba?

Tuluyan akong lalabas at isasahod ko ang aking ulo sa ilalim ng mga naglalaglagang mga dahon. May sadyang tatama sa mukha ko, meron namang pilit na kakapit sa buhok ko. Ngunit may isang sutil na tila nais maging iba at pilit na tutusukin ang puno ng aking mga mata. Nananadya ka ba talaga?

Papalipasin ko ang aking buong maghapon sa pag-iisip. Pilit na papatakbuhin, papagurin. Bakit may puno sa mundo? Bakit kailangang maging kire ang mga puno sa tuwing hinihipan ng hangin? Bakit nahuhulog ang mga dahon kahit berde pa? Bakit ako bagot?

Sa huli’y mapapagod ang mga paa ko at binti sa ilang oras na pagtayo at pagtunganga sa harap ng punong maarte. Mananakit ang mga batok ko sa pagtingala at mamumula ang aking mga mata na halos hindi kumurap sa nakatunghay na reyalidad: Ako ay tumatanda, napapagod, ngunit wala akong nagawa kundi isang alanganing saknong para sa aking hinahabing tula. Nasaan na ba ang mga tamang salita?

Lilipas ang buong maghapon at muli akong babalik sa aking kama. Pagmamasdan ang blankong papel na animo nagkulay dilaw na sa tagal ng pagkakalapat sa antigong mesa. Ang buong kuwarto ay tila ba nainip ng husto sa aking pagbabalik. Pagbabalik na walang bunga sapagkat wala akong bagong salita sa isip.

Ilalapat ko ang aking hapong katawan sa kama ng pag-asa at muling itutunghay ang tingin sa kisame ng dusa. Masakit malaman na nakabisa ko na ang buong itsura ng kisame. Mahapding malaman na ultimo bilang ng gasgas ay kaya kong iguhit sa aking isip ng nakapikit—ang dumi at kulay itim na guhit ng pintura na animo naging disenyo na sa aking paningin.

Kaya kong abutin ang agiw na tila sumasayaw sa pag-ihip ng malamig na hangin. Kaya kong tumayo at isa-isahin ang bagay sa kuwarto ng walang pag-aalinlangan. Kayang kong ituro ang pwesto ng thumbtacks na nahulog kanina o ang paperclip na ngayo’y nakikipag-ulayaw sa iba pa niyang kasama sa ilalim ng madilim kong kama. Kaya kong ilarawan ang aking nakikita ng sakto at pulido, walang labis walang kulang.

Isa lang ang di ko kaya—ang tapusin ang tulang ito para sa yo.

Naghinaw ang umaga sa buslo ng pangamba
Habang umuukit ang hangin ng pag-asa
—bantulot, pa-isa-isa, hanggang tuluyang mawala
sa huli’y magsisisi, magwawala.


Leave a Reply