Bagyo ng Pagsisisi = mga tao

Walang hangin ngayo Hindi katulad nung mga nakaraang araw na halos tangayin ang utak ko sa lakas at lamig . Akala ko nga , babagyo.

Kapag malakas ang hangin , naiisip ko ang mga mahal ko sa buhay. Kapag malamig ang hangin , naiisip ko ang mga pagkakamali ko sa mga mahal ko sa buhay. Kapag malakas at malamig ang hangin , nalulungkot ako.

Minsan nga, nasabi ko sa sarili ko, ilang beses ko pa lang ba nasasabihan ng i love you ang Mama ko? Ilang beses ko na ba sinabihan ng ingat ang ate ko? Bago mamatay ang daddy ko, nasabihan ko ba siya na mahal na mahal ko siya? Kung anuman ang sagot sa mga tanong na yan , hindi ko pa alam.

Masaya ako ngayon dahil kasama ko ang taong mahal na mahal ko. 24/7. Hindi kami naghihiwalay. Masarap ang pakiramdam. Masarap isipin. Pero tuwing maiisip ko na hindi na kami maghihiwalay , natatakot ako.

Paano kung isang araw hindi na siya magising? Paano kung isang araw hindi na siya umuwi ng buhay? Paano kung isang araw kuhain siya ng mga alien?

Sa buhay , wala talagang sigurado. Sabi ng mga teacher at mga kaibigan ko, matalino daw ako. Sabi nga ni Joy, “lintik ka ah, alam mo lahat..” . Mali yata siya.

Hindi ko alam na tuwing humihingi lang ako ng pera nag a – i love you sa mama ko. Hindi ko alam na pag nagpapadala lang ng package ang ate ko ako nagsasabi ng ingat sa kanya, sa text pa. Hindi ko alam na hindi ko pala nasabi sa Daddy ko na mahal na mahal ko siya bago siya mamatay noong Miyerkules ng March 18 2001 , 9:15 ng gabi.

Hindi ko alam na mahalaga pala ang mga ganoong bagay sa buhay – na hindi kakornihan ang pagsasabi ng nararamdaman mo sa mga taong mahalaga sa’yo. Hindi pala kabaduyan ang paghalik sa pisngi ni Nanay bago pumasok sa iskwela. Hindi pala jologs tignan kapag nag thank you ka kay ate na may kasamang yakap na mahigpit kapag binigyan ka niya ng chocolate. Hindi pala masagwa sa mata kapag niyakap mo si Bantay at pinuri dahil na-ifetch nya ang bola na binato mo.

Hindi ko alam na hindi pala korni yun.

Sabi kasi ng mga kaklase ko nung elementary, korni daw iyon. Kaya hindi ko kinasanayan , hindi ko ginawa.

Si MAMA
Minsan naiiyak ako pag naalala ko ang Mama ko. OFW siya. Minsan lang kami magkita at magkasama , madalas nag – aaway pa kami. Matigas kasi talaga ang ulo ko. May ugali akong, pag gusto ko, kukunin ko. Aabutin ko, kahit tumutol pa ang buong mundo. Hindi ako nagpapatalo sa mga sermon at palo. Hindi lang matigas ang ulo ko. Matigas ang ulo ko.

Bakit ako naiiyak minsan?

Kasi nakita ko ang kaibahan ng Mama ko sa ibang magulang. Si mama ang tipo ng nanay na uunahin muna ang kapakanan ng mga anak niya bago ang sarili niya. Matanda na ang Mama ko, sabi ni ate , mag si- 60 na daw si Mama. Matanda na siya para magtrabaho.

Ni minsan hindi ko yata napasaya ang Mama ko. Ni minsan hindi ko yata siya nabigyan ng totoong ngiti sa mukha. Hindi ko sinasadya (ung iba nasadya ko kasi gusto ko talaga yung bagay na yun na tinututulan niya) , nasasaktan ko siya lagi. Lagi ko siyang napapaiyak.

Ayoko nang paiyakin si Mama.

Pero wala akong lakas ng loob na sabihin sa kanya na ayaw ko na siyang paiyakin , at salamat , at mahal na mahal ko siya.

Si ATE

Siguro , kung may isa pang tao sa mundo na nakakaintindi sa mga kalokohan ko , bukod sa Mama ko, si ate Berry yun. Oo, minsan badtrip ako sa kanya kasi isa siya sa pinakamautos na tao na pwede mong makilala sa buhay mo, napakabossy niya talaga ang sarap anuhin , nako. Pero kapag may problema ako, isa siya sa mga taong tumatakbo palapit sa akin para tanungin kung ano ang problema – kasama na dun ang paghahanap niya ng solusyon sa mga gusot na napasukan ko.

Lagi nilang sinasabi na si ate lagi akong kinakampihan. Kaya daw yata lumalaki ang ulo ko. Pero sabi ni ate , ayos lang yun. Basta kaming dalawa , kaya lahat.

Nitong nakaraang taon , malaki ang tampo sa akin ni ate. Marami akong nagawang kasalanan sa kanya. Isa na dun ang pag – iwan ko sa kanya.

Sabi ko , mag – aasawa na ako. Alam kong nalungkot si ate , habang kinakausap ko siya nangingilid ang mga luha sa mata nya. Nasaktan ko siya dahil sinabi ko sa kanya na sasamahan ko siya. Mag-isa na lang kasi niyang binubuhay ang mga anak niya.

Para sa akin , masama ako.

Pero dito ako masaya.

Alam naman ni ate na mahal na mahal ko siya. Alam niya na kahit hindi na kami magkasama sa iisang bubong , andito pa rin ako para sa kanya.

Hindi din kami masyadong nagkakasama ng Ate ko. OFW din kasi siya.

Si Daddy

Si Daddy ang pinakapaborito kong tao sa buong mundo. Spoiled ako sa kanya.

Nung nabubuhay pa ang Daddy ko, picture perfect ang pamilya namin. Masaya ang bahay , maraming pera , sabay – sabay kumakain ang bawat miyembro ng pamilya. Hindi uso ang de- lata noon sa bahay namin noong nabubuhay pa si Daddy (pwera lang pag si ate lang ang nasa bahay). Lagi kaming nag mo- mall. Lagi kaming nagsisimba.

Wala siyang naging pagkukulang sa akin , maliban lang siguro sa ginawa nila ako ni Mama sa maling panahon.

Maling panahon dahil sandali lang kami nagkasama. Maling panahon dahil hindi ko man lang naipadama sa kanya yung pagmamahal ko bago niya kami iwan.

Nung debut ko , umiyak ako talaga. Kasi , tandang -tanda ko noong nangako sakin ang Daddy ko.

Kakasundo lang namin sa kanya sa Airport nun , nang napadaan kami sa isang Chinese 5 star Hotel. Nakadungaw ako sa bintana ng FX , minamasdan ang makukulay na ilaw ng Hotel. Tinapik ako ng Daddy ko na noon ay nasa tabi ko at sinabi niya sakin , “Anak , huwag kang mainggit diyan. Pag nag debut ka , sa Hotel din gaganapin.”

Nauwi sa inuman ang debut ko. Nabasag lahat ng inaasintang pangarap nang maputulan ng hininga si Daddy.

Lagi akong nagdadasal , na sana hindi mahuli muli ang lahat tulad ng nangyari kay Daddy.

Sa bawat bagyo , nagtatalo ang isip at damdamin ko. Laging nag – aaway ang mga ugat ko na tila ba gustong pumiglas upang pigilan ang maaaring dumaang bangungot na hindi na malalabasan.

Lagi akong tinatakot ng dagundong ng langit sa kung ano ang pwedeng mangyari sa mga mahal ko sa buhay na nasa malayong lupalop ng daigdig , pumapalaot upang maibigay ang pangangailangan ng pamilya naming pinaghiwa- hiwalay na ng mga hindi maiiwasang insidente.

Lagi akong nagdadasal na sana , habang malayo sila , patnubayan sila ng nasa Itaas.

Patnubayan at alagaan sila ng nasa Itaas , mga bagay na hindi ko nagawa.

Sa tuwing may bagyo , natatakot ako sa paglubog ng mga barkong sinasakyan nila. Ayoko nang maulit pa ang nakaraan kung saan , wala akong nagawa para iligtas ang Daddy ko sa kamandag ng Cancer. Andun lang ako, nakatitig sa madilim na langit at dinadama ang malamig na langit ng lungkot habang binabawian siya ng buhay.

Ayoko na ng bagyo , hanggat maaari.


5 Responses to “Bagyo ng Pagsisisi = mga tao”

  1. kakatouch naman po itong story… :’-(

  2. ahhhhhhhhhhh…………thats it!!!!!!!!!!!!…aaahhh okay!!!!!!!!!!,,sang -ayon narin ako!!!!!!!!

  3. jejejejejejeje….joke!!!!!!!…..maganda talaga ang story i felt it when i read it!!!!!!…YLVIANNA POH TO!!!!!!!!!

  4. I LOVE IT!!!! HEY mY rEaL nAmE iS YLVIANNA YVAINE L. GOMEZ…..u?????….tNx

  5. jUsT cAll mE YnAh!!!!!!!!

Leave a Reply